Ayon kay Zarate, walang tig-isandaang milyong pisong alokasyon para sa itemized projects sa susunod na taon ang mga miyembro ng Makabayan bloc.
Paliwanag nito, kahit sinasabi ng liderato na hindi ito kumokontra sa ruling ng Korte Suprema noong 2013 na nagbabawal sa lump sum allocation at post-enactment intervention ng mga mambabatas ay bahagi pa rin ito ng patronage system o palakasan sa budget process.
Maituturing aniya na pork barrel ang itemized allotments basta’t nakikialam ang mga kongresista sa implementasyon tulad ng pagpili ng mga benipisiyaryo at contractor kaya paglabag umano ito sa Supreme Court decision.
Giit ni Zarate, isa na naman itong uri ng korapsyon na ginagamit ng executive department para impluwensiyahan ang Kongreso at tuparin ang mga kahilingan nito.
Para labanan ang katiwalian at maging tunay na independent ang Kamara ay kailangan anyang buwagin na ang pork barrel system kahit ano pang technical definition o termino ang palabasin at tiyaking direktang napupunta ang pambansang pondo sa basic services.