Pag-amin ni Pangulong Duterte na siya ang nagpa-ambush kay Mayor Loot ng Cebu malinaw pa sa sikat ng araw
Naniniwala si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na malinaw ang pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang nasa likod ng pananambang kay dating Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot.
Ayon kay Brosas, kahit ulit-ulitin ang video ay klarong sinabi ng pangulo ang pagpapa-ambush kay Loot taliwas sa paliwanag ng Malacañang.
Tila may diperensya aniya sa pandinig o sa pang-unawa si Presidential Spokesperson Salvador Panelo nang igiit nito na nagbibiro lamang ang pangulo at hindi ito bihasa sa Tagalog.
Sinabi rin ni ACT Teachers Rep. France Castro na dapat seryosohin ng Philippine National Police ang pag-amin ng punong ehekutibo lalo’t hindi pa nahuhuli ang mga suspek na nagtangka sa buhay ng dating alkalde.
Seryosong usapin anya ang pabagu-bagong pahayag ni Pangulong Duterte na noong una ay dinamay pa si dating DILG Secretary Mar Roxas na itinuro nitong may kinalaman sa ambush.
Idinagdag naman ni Kabataan Rep. Sarah Elago na hindi na ito ang unang beses na nagbanta at nag-utos ang presidente na patayin ang mga drug addict, human rights defenders at mga kaaway sa pulitika.
Una nang sinabi ng Malakanyang na mali lamang ang pagta-tagalog ng pangulo nang sabihin niya ang tungkol sa ambush kay Loot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.