Mabilis na proseso para sa presidential pardon sa matatandang preso tama lamang ayon kay Rep. Taduran
Naniniwala si ACT-CIS Party-list Representative Niña Taduran, na walang masama sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabibilisin ang paggawad ng presidential pardon sa mga matatandang nakabilanggo at may malubhang sakit.
Ayon kay Taduran, sakop ng kapangyarihan ng pangulo ang pag-pardon sa convicted criminals nang naaayon sa legal procedures.
Salig sa karaniwang proseso ng sibilisadong lipunan sa buong mundo ang ipinunto ni Pangulong Duterte.
Gayunman, binigyang-diin ng kongresista na kailangan pa rin ng istriktong pagsunod sa proseso upang matiyak na hindi na mauulit ang mga pagkakamali ng Bureau of Corrections sa pagpapalaya ng hindi karapat-dapat na mga preso sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance Law.
Ang Board of Pardons and Parole aniya ang nagsusumite ng listahan ng mga eligible para sa pardon kasama na ang matatanda at may karamdaman na aaprubahan ng punong ehekutibo.
Bagama’t nais ng pangulo na bumilis ang proseso ay tiyak umanong hindi rin nito papayagan na makinabang ang mga nagsasakit-sakitang preso pati na matatanda na nakakagamit ng cellphone para magpatakbo ng operasyon sa ilegal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.