Bagyong Nimfa malapit na sa borderline ng PAR

Napanatili ng Bagyong Nimfa ang lakas nito habang kumikilos malapit sa borderline ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Gayunman, napakabagal pa rin ng pagkilos ng bagyo sa direksyong Hilagang-Silangan bunsod ng epekto ng isang High Pressure Area (HPA).

Ayon sa 5am weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 758 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Basco Batanes.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras.

Bago mag-tanghali ng Sabado inaasahang makakalabas na ng PAR ang bagyo.

Ngayong araw ang Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at Western Visayas ay makararanas ng monsoon rains o mga pag-ulang bunsod ng Habagat.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat naman ang mararanasan sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).

Maganda naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng Visayas at buong Mindanao na may posibilidad ng mga pag-ulan sa hapon o gabi bunsod ng localized thunderstorms.

Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Calayan, Babuyan, Cagayan, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.

Read more...