Bagyong Nimfa, napanatili ang lakas habang kumikilos sa Hilaga ng PH Sea

Napanatili pa rin ng Tropical Depression Nimfa ang lakas nito habang kumikilos nang mabagal sa hilagang bahagi ng Philippine Sea.

Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 750 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito nang mabagal sa direksyong Hilaga Hilagang-Silangan.

Ngayong gabi hanggang bukas ng gabi, mararanasan ang katamtaman hanggang paminsan-minsan ay malalakas na mga pag-ulan sa Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Pangasinan, at La Union.

Mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay may kalakasang pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, at nalalabing bahagi ng Central Luzon, at Cordillera Administrative Region.

Kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat naman ang inaasahan sa nalalabing bahagi pa ng Luzon.

Samantala, ang low pressure area (LPA) naman na binabantayan sa may bahagi ng Tarlac ay tuluyan nang nalusaw at naging bahagi na lamang ng trough o extension ng Bagyong Nimfa.

Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng northern at eastern seaboards ng Northern Luzon.

 

Read more...