Hindi nagustuhan ng mga senador ang pag-amin ng Department of Health (DOH) na may mga gamot pa silang hawak, partikular na sa sakit na diabetes, ang nakaimbak.
Sa pagdinig para sa 2020 budget ng DOH sa Senado araw ng Martes, naungkat ang naturang isyu, bagay na binatikos ng mga mambabatas.
Tila nagkumahog ang mga opisyal ng kagawaran sa pagpapaliwanag at nabunyag na naghahabol na sila ng panahon para maipamahagi ang mga pa-expire ng gamot.
Nagpaliwanag ang ahensya kung bakit may nakatambak na mga gamot sa kanilang mag bodega kabilang ang mga malapit nang mag-expire.
Kabilang si Sen. Cynthia Villar sa mga hindi nakuntento sa paliwanag ng DOH.
Dahil dito ay si Health Sec. Francisco Duque III na ang nagpaliwanag ukol sa nakaimbak na bilyon-bilyong pisong halaga ng mage-expire na gamot sa diabetes na Metformin.
Nang marinig ito, may himig nang panghihinayang na binanggit ni Sen. Nancy Binay na silang mga senador ay maraming natatanggap na mga sulat na humihingi sa kanila ng mga gamot at may mga nagtitiyaga pang pumila sa labas ng Senado.
Inamin naman ni Duque ang problema sa kanilang bahagi, ngunit aniya may mga ginagawa naman na silang solusyon at pagbabago at nabanggit nito ang kanyang utos ukol naman sa Losartan, na gamot para sa hypertension.
Pumagitna naman si Sen. Christopher Go at tinanong ang DOH ukol sa sobrang pagbili ng ilang gamot.
Sinuspindi ang pagdinig nang hindi pa ganap na nalilinawan ang isyu, ngunit ayon kay Duque humingi na sila ng tulong sa mga eksperto para sa maayos na pagbili at pag-iimbak ng mga gamot.