Guanzon: ‘Ila-libel ko si Cardema sa buong Pilipinas!’

Posibleng maging masaya ang Pasko ngunit hindi ang Bagong Taon ni dating National Youth Commission chairman Ronald Cardema.

Ito ay matapos ianunsyo ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon araw ng Martes na sasampahan niya ng patong-patong na kaso si Cardema dahil sa libelous statements nito laban sa kanya.

“Ila-libel ko siya sa buong Pilipinas pero wait lang siya sa New Year para masaya naman Pasko nya. Ngayon under oath na yang sinabi nya na corrupt ako,” ani Guanzon.

Sa Notice of Withdrawal na may petsang September 13, sinabi ni Cardema na ang ‘public harassment’ ni Guanzon ang dahilan kung bakit siya nag-withdraw bilang nominee ng Duterte Youth party-list.

Magugunitang diswalipikado si Cardema sa kanyang congressional bid sa ilalim ng Duterte Youth dahil sa pagiging overage para irepresenta ang youth sector.

Matapos ang kanyang diskwalipikasyon, inakusahan naman ni Cardema si Guanzon ng paghingi ng P2 milyon kapalit ng pabor na desisyon para sa kanyang substitution sa pagka-nominee ng Duterte Youth sa bisperas ng halalan.

Dahil dito, sinabi ni Guanzon na galit na galit siya sa mga akusasyon ni Cardema at tuturuan niya ito ng leksyon.

Sasampahan niya ng kaso si Cardema sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas maging sa Cadiz City dahil sa pagsira ni Cardema sa kanyang pangalan.

“Kunwari saan ba pwedeng mag-surfing? Siargao. Oh, file (ako ng kaso) sa Siargao para maka-surfing ako on the side after,” ani Guanzon.

“He will be facing several lawsuits, aside from libel cases we will sue him for damage in Cadiz City for destroying my good name. He’ll have to face trial in our own town. Kung sa mga Ilonggo ba ‘mereze,’ he deserves it,” dagdag ng Comelec commissioner.

 

Read more...