Higit 300 Chinese nationals arestado sa cyber-crime sa Palawan
Naaresto ang hindi bababa sa 300 Chinese nationals na sangkot sa cyber-crime at iba pang ilegal na aktibidad sa Puerto Prinsesa City, Palawan.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, nahuli sa akto ng mga tauhan ng BI Intelligence Division ang ilegal na pagtatrabaho ng nasa kabuuang 324 na dayuhan sa walong hotel at establisimiyento sa Puerto Prinsesa City.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng reklamo ang ahensya mula sa mga lokal na opisyal ukol sa ilegal na pagtatrabaho ng mga Chinese sa lugar.
Ilang linggong isinailalim sa surveillance ang mga dayuhan bago ikinasa ang nasabing operasyon.
Dahil dito, sinabi ni Morente na sasailalim ang mga dayuhan sa deportation proceedings dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng pananatili sa bansa at pagtatrabaho nang walang permit.
Ayon naman kay BI Intelligence Officers Jude Hinolan, hindi nakapagprisinta ng pasaporte at travel documents ang mga dayuhan.
Nakuha sa operasyon ang daan-daang kagamitan tulad ng laptop, cell phone at iba pa.
Katuwang ng ahensya sa operasyon ang militar kasama ang Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.