Dumepensa si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang desisyong italaga si dating Manila City Jail warden Gerald Bantag bilang bagong direktor ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon sa pangulo taglay ni Bantag ang ‘experience’ na kinakailangan para sa posisyon.
Nagsilbi anya ang bagong BuCor chief sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology.
Pero noong 2017, ipinag-utos ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 274 ang pag-aresto kay Bantag dahil sa pagkamatay ng 10 bilanggo bunsod ng pagsabog sa Parañaque City Jail noong August 2016, panahong siya pa ang naninilbihang warden.
Giit ni Pangulong Dutetre, wala pang hatol kay Bantag at dahil sa ‘presumption of innocence’ ay itinalaga pa rin niya ito sa pwesto.
“Since there is no conviction yet, in obedience to the rule of presumption of innocence I gave him a new job. I don’t think that he did it (explosion). If he did, then baka ma-convict siya. But in the meantime gusto ko siya kasi nagtatapon ng granada.”” ani Duterte.
Inanunsyo ng Palasyo ng Malacañang ang appointment ni Bantag kahapon o halos dalawang linggo matapos sibakin sa pwesto si Nicanor Faeldon dahil sa kontrobersiya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ang marching order ni Duterte kay Bantag ay tiyaking hindi makakatakas ang mga convicts.