AFP-Mislatel deal pinabubusisi ni Sen. Risa Hontiveros
Nais ni Senator Risa Hontiveros na maimbestigahan ng Senado ang napaulat na pakikipagkasundo ng AFP sa isang Chinese telecommunications company.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 137 matapos aminin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi niya alam ang kasunduan sa pagitan ng AFP at Dito Telco, ang dating Mislatel Consortium.
Nakasaad sa kasunduan, maaring magtayo ang Dito ng communication facilities sa loob ng mga kampo ng AFP.
Nangangamba si Hontiveros na umusbong ang isyu ng pang-eespiya at banta ng seguridad sa nabanggit na kasunduan.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Francis Pangilinan na may dalawang batas ang China na nagsasabing may obligasyon ang kanilang mga korporasyon na makipagtulungan sa pangangalap ng intelligence information.
Binanggit ng senador ang National Intelligence Law of 2017 at Counter-Espionage Law of 2014 ng China.
Aniya nauna nang nagpahayag ng pangamba sina Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., ukol sa pambansang seguridad kaugnay sa mga hakbangin ng China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.