Makabayan bloc pumalag sa telco tower sa military camp
Nagpahayag ng pagkabahala ang Makabayan bloc sa Kamara sa kasunduang pinasok ng gobyerno sa Dito Telecommunity Corporation para sa installation ng system, towers at facilities sa loob ng military bases.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago, binibigyan nito ng kontrol ang China sa pambansang seguridad ng bansa na magsisilbing banta sa mga Pilipinong kontra sa mga polisiya ng gobyerno.
Mistulang pinahintulutan aniya ng Armed Forces of the Philippines ang China na makapasok sa server links at makita ang mga communication at sensitibong impormasyon.
Mas magiging madali rin anya sa pamamagitan ng Chinese telco na habulin ang lahat ng kritiko ng administrasyon at mas mapapalawak pa ang capabilities nito.
Giit pa ng kongresista, magkakaroon ng katuwang ang pamahalaan sa paglulunsad ng karahasan laban sa mga nagtatanggol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Mababatid na ang Dito Telecommunity na dating Mislatel ay binubuo ng China Telecom at Udenna Corporation na pag-aari ng negosyanteng si Dennis Uy na sinasabing malapit kay Pangulong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.