MOA sa pagitan ng AFP at Mislatel maari pang maibasura kapag naging banta sa seguridad ng Pilipinas
Aminado ang Palasyo ng Malakanyang na walang alam si Defense secretary Delfin Lorenzana kaugnay sa military deal sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at China back telecommunications provider na Mislatel consortium para sa paglalagay ng mga equipment sa mga military bases.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, base sa kanyang pakikipag-ugnayan kaninang umaga kay Lorenzana, sinabi nito na pinaiimbestigahan na niya ang memorandum of agreement ng AFP at Mislatel.
Pero pagtitiyak ni Panelo kahit na pirmado na ang MOA, maari pang maibasura ang naturang kasunduan lalo na kung malalagay sa peligro ang seguridad ng bansa.
Una rito, nagpahayag ng pangamba ang ilang mga senador sa naturang kasunduan sa posibilidad na magamit ito ng China sa pang-eespiya sa Pilipinas.
Sa ngayon, sinabi ni Panelo na mas makabubuting hintayin muna ang opisyal na paninindigan ni Lorenza ukol sa MOA ng AFP at Mislatel.
Matatandaang ang Mislatel ang napipintong maging third telco player na bubuwag sa duopoly ng Globe at Smart.
Ang negosyanteng si Dennis Uy ang isa sa mga nangunguna sa consortium katuwang ang China telecom na kontrolado ng pamahalaan ng China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.