Sara Duterte pinabulaanang may kinalaman siya sa pagpili sa BARMM officials

Itinanggi ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte na may kinalaman siya sa pagpili ng mga opisyal para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa isang pahayag Linggo ng gabi, sinabi ni Mayor Duterte na ilang mga personalidad ang tumungo sa kanyang opisina para humingi ng endorsement matapos marinig ang mga tsismis na maaari niyang maimpluwensyahan ang pagpili sa BARMM officials.

Iginiit ni Duterte na saklaw lamang ng kanyang awtoridad ay ang Davao City alinsunod sa Local Government Code kaya’t mariin niyang itinatanggi ang mga bali-balita.

“I categorically deny this and wish to reiterate that my authority is only within the area of Davao City as mandated by the Local Government Code,” ani Duterte.

Sinabi pa ng alkalde na wala rin siyang impluwensya sa pagtatalaga sa iba pang posisyon para sa national government.

“The denial is true for the appointments to all other national government positions. Thank you,” dagdag ni Duterte.

Nasa transition na ang Bangsamoro Autonomus Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tatagal ng tatlong taon.

Nanumpa noong Pebrero bilang interim chief minister ng 3-year transition government ng BARMM si Murad Ebrahim, chairman ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Read more...