Mar Roxas, nangunguna sa may pinakamalaking ginastos sa pol ads sa 2015

 

Inquirer file photo

Kinastigo ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang umano’y nakalilitong paglalabas ng resulta ng pinakahuling survey results ng AC Nielsen kung saan ipinapakitang si Vice President Jejomar Binay ang may pinakamalaking ginastos sa larangan ng mga TV at radio advertisements.

Ayon kay Joselito Salgado, media affairs head ng Office of the Vice President, isang malaking kuwestyon kung bakit inilabas ng Nielsen ang kanilang survey sa mga political ads para sa 2015 na kung saan ang kinuha lamang ay ang resulta sa pagitan ng buwan ng January hanggang November.

Kataka-takang hindi aniya hinintay ng survey firm ang survey results na makukuha noong December 2015.

Sa January-November survey, hindi kasama dito aniya ang advertisements nina Mar Roxas at ng kanyang running mate na si Leni Robredo na lumabas nitong December.

Kung kasama ito aniya, ay lilitaw na nangunguna si Roxas sa may pinakamalaking ginastos sa political ads na aabot sa P774.1 milyon para sa taong 2015.

Kung isinama aniya ang December results, lalabas na ikalawa lamang si VP Binay kay Roxas na aabot lamang sa P695.5 milyon ang gastos.

Nasa ikatlong puwesto naman sa may pinakamalaking gastos si Sen. Grace Poe na 694.6 milyon.

Pang-apat naman si Mayor Rodrigo Duterte ng Davao City na umaabot lamang sa P129.5 milyon ang kabuuang gastos sa mga political advertisements para sa taong 2015.

Una rito, lumabas ang listahan ng resulta ng Nielsen survey kung saan isinasaad na si VP Binay ang may pinakamalaking ginastos sa pol ads mula January hanggang November 2015.

Dahil dito, hinamon ng LP si Binay na ilantad kung saan nanggaling ang pondo na ginamit sa mga advertisements.

Ayon naman sa panig ni Binay, galing sa kanyang mga kaibigan ang pondong ginamit sa mga political commercials.

 

Read more...