Dating TD Marilyn naging LPA paglabas ng PAR; Shallow LPA minomonitor sa West PH Sea

Naging low pressure area (LPA) na lamang ang dating Tropical Depression Marilyn paglabas nito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Sabado ng gabi.

Sa final update ng Pagasa alas 11:00 ng gabi, sinabi ni weather forecaster Gener Quitlong na lumabas ng PAR ang dating Bagyong Marilyn alas 8:00 kagabi.

Huli itong namataan 1,390 east northeast ng Basco, Batanes.

Pero sinabi ng Pagasa na kailangan pa ring imonitor ang LPA dahil may posibilidad na mag-recurve o bumalik ang weather system sa PAR.

Hindi rin inaalis na maging bagyo uli ang sama ng panahon at muling maging tropical depression.

Kahit wala na itong epekto sa bansa, mayroon pa ring pag-uulan dulot ng Habagat.

Hanggang Linggo ng gabi ay magpapaulan ang Habagat sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Sulu Archipelago, Palawan at Mindoro Provinces.

Sa mga nakatira sa naturang mga lugar ay nagpayo ang Pagasa na maging alerto sa pagbaha at pagguho ng lupa.

May pag-uulan din sa Bicol Region, CALABARZON at nalalabing bahagi ng MIMAROPA at Visayas.

Dahil pa rin sa Habagat ay nananatili ang gale warning sa baybaying dagat ng ilang lugar sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao na mapanganib sa paglalayag ng maliliit na sasakyang pandagat.

Samantala, minomonitor ng Pagasa ang isang shallow low pressure area sa West Philippine Sea.

Huli itong namataan 495 kilometers west ng Iba, Zambales.

Pero wala itong posibilidad na maging LPA o bagyo sa susunod na 24 oras.

May tsansa na baka malusaw din ang nasabing weather system sa susunod na mga araw.

Pero sa ngayon ay ito ang nagpapalakas sa Habagat na nakakaapekto sa Southern Luzon at Visayas.

 

Read more...