Inanunsyo ni Floyd Mayweather Jr. na tinatrabaho niya ang “exhibition fight” sa pagitan nila ni Manny Pacquiao at gagawin ito sa Tokyo, Japan.
Sa kanyang Instagram ay sinabi ni Mayweather na ikinakasa ng kanyang team sa Tokyo ang posibleng exhibition game nila ni Pacquiao.
Kapag natuloy, ito ang muling paghaharap nina Mayweather at Pacquiao apat na taon ang nakalipas kung saan naging kontrobersyal ang unanimous victory ng American boxing champion.
Ang panalo kontra Pacquiao ang naging hudyat ng pagreretiro ni Mayweather sa boxing ring pero muli itong lumaban sa pamamagitan ng mixed martial arts kung saan tinalo nito si Conor McGregor.
Una rito ay may lumabas na video ni Mayweather kung saan sinabi nito ang planong rematch kay Pacquiao sa Saudi Arabia.
Pero sinabi ng 42 anyos na American fighter na luma na ang naturang video.
Samantala, ang pambansang kamao ay matagumpay na nakabalik sa welterweight division matapos manalo sa lima sa anim na mga laban nito, pinakahuli ang kontra kay Keith Thurman.
Wala pa namang pahayag mula kay Pacquiao kaugnay ng anunsyo ni Mayweater.