Mga pulitiko, bawal bumida sa pista ng Nazareno
Binalaan ng mga pinuno ng Simbahan at mga tagapangasiwa ng pista ng Itim na Nazareno ang mga pulitiko na tantanan ang kapistahan at huwag itong samantalahin para ikampanya ang kanilang mga sarili.
Ayon kay Msgr. Hernando Coronel na rector at pari sa Quiapo Church, ayaw nilang gamitin ng mga pulitiko ang pista ng Quiapo para maging bahagi ng kani-kanilang mga kampanya.
Kadalasan kasing sumisimple ang mga pulitiko sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga pabating “Happy Fiesta” na mga streamers, banners at posters na may kasamang mga pangalan at mukha nila.
Ani Coronel, pagtatanggalin nila ang mga ito lalong-lalo na iyong mga daraanan ng prusisyon o traslacion na gaganapin sa Sabado.
Nanawagan rin si Coronel sa mga deboto, lalo na sa mga “mamamasan” o iyong mga nagboboluntaryong maghawak ng andas, na huwag magsuot ng mga damit na may mukha o pangalan ng mga pulitiko.
Para naman sa kabuuang mga deboto na sasama sa prusisyon, umapela rin ang simbahan na huwag magdala ng mga backpack, mga kutsilyo at baril, mga matutulis na bagay na maaring gawing sandata tulad ng icepick, selfie sticks o payong na may matulis na dulo, pati na rin ang paggamit ng paputok.
Hindi na rin dapat pumunta ang mga lasing, matatanda, may sakit, buntis o kaya iyong mga may bitbit na maliliit na bata, para na rin sa kaligtasan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.