Arestado ang higit sa 270 na Chinese national makaraang salakayin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang tanggapan sa Pasig City araw ng Biyernes.
Apat na puganteng Chinese ang unang target ng raid dahil sa pagkakasangkot sa investment fraud sa kanilang bansa.
Gayunman, sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na mas marami pang dayuhan ang kanilang nadiskubre nang pasukin ang kanilang tanggapan sa Ortigas Center.
Huli sa akto na nagsasagawa ng illegal online operations ang nasa 273 mga Chinese nationls.
Natuklasan na pawang mga walang kaukulang dokumento ang nasabing mga dayuhan habang ang ilan sa kanila ay hinahanap sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa large scale fraud at investment scam.
Ginawa ang pagsalakay sa pangunguna ng Fugitives Search Unit (FSU) ng Immigration katuwang ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), Philippine National Police (PNP)’s Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), and the Chinese Ministry of Public Security (MPS).
Ang mga dayuhan ay pansamantalang nakapiit ngayon sa Warden Facility ng BI sa Taguig City.