Binigyan na ng lokal na pamahalaan ng Davao City ng ultimatum ang isang kumpanya ng sikat na convenience para sundin ang antismoking ordinance ng lungsod.
Mayroon na lamang hanggang katapusan ng buwan ng Enero ang Philippine Seven Corp. (PSC) para alisin na lahat ng paninda nilang sigarilyo sa kanilang mga 7-Eleven stores.
Ayon kay Dr. Domelyn Villareiz ng Anti-Smoking Task Force, matagal nang hindi sumusunod sa Comprehensive Anti-Smoking Ordinance ang kumpanya, samantalang naipasa na ito ng konseho ng lungsod noon pang 2002 at naamyendahan ng mas matitinding parusa noong 2012.
Binalaan sila na kapag hindi pa sila sumunod sa pagkakataong ito, tatanggalan na sila ng permit para ipagpatuloy ang kanilang negosyo sa Davao City.
Una na palang pinadalhan ng liham ni City Administrator Melchor Quitain ang PSC bilang babala sa patuloy na pagbebenta ng sigarilyo at ang bantang pagbawi sa kanilang mga permits.
Gayunpaman, hindi pa rin sumunod ang kumpanya sa mga pinadalang liham sa kanila.
May mga plano pa man din ang nasabing kumpanya na magtayo pa ng kabuuang 30 stores sa lungsod bilang bahagi ng kanilang expansion sa Mindanao.