Ibinahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mayroon na silang naalalayang 20 mga ambulance na naiipit sa gitna ng trapik sa EDSA simula nang pinagutos nila ito noong araw ng Martes, Sept. 11.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay MMDA Spokeperson Celine Pialago, ito ang kanilang tugon kaugnay sa mga lumabas na balita na mayroong namamatay na mga pasyente na sakay ng ambulansya dahil sa trapik.
Ayon kay Pialago na ito ay magtutuloy-tuloy na at talagang titiyakin ng pamunuan ng MMDA na mabibigyan ang lahat ng ambulansya ng assistance kung ito ay naiipit sa gitna ng trapik sa oras na may sakay ito na pasyente.
Target ng MMDA aniya na hanggat maaari ay wala ng maiulat na may namamatay na pasyente na sakay ng ambulansya ng dahil sa trapik sa EDSA at kahit saan pang lugar ng Metro Manila.