Inaprubahang package 2 ng tax reform program ng pamahalaan, lilikha ng maraming trabaho
Ipinagmalaki ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na lilikha ng maraming trabaho ang inaprubahang package 2 ng TRAIN Law o ang Corporate Income Tax and Incentive Reform (CITIRA).
Ayon kay Salceda na aabot sa 1.566 milyong trabaho ang malilikha sa ilalim ng CITIRA na magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
Bukod dito, 1 milyong small-medium enterprises (SMEs) at 3,100 na mga korporasyon ang makikinabang pagbaba ng corporate income tax at mga tax holidays.
Kapag naging batas, sa unang taong implementasyon ay 1.1% ang maidadagdag sa GDP growth ng bansa at tataas pa ito sa 3.6% sa kada taon hanggang 2030.
Lolobo naman sa 87% ang tax savings o maaaring matipid sa ibabayad na buwis ng mga korporasyon na maaaring mauwi sa mas marami pang business expansion.
Naniniwala naman si House Majority Leader Martin Romualdez na mangyayari na ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maraming mahihirap ang aangat ang buhay sa susunod na tatlong taon dahil sa mga top priority tax measures na ipinapasa sa Kamara.
Sa ilalim ng CITIRA, ibababa sa 20 percent ang corporate income tax mula sa kasalukuyang 30%.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.