Petition for bail ni Palparan, binasura ng korte
Mananatiling nakapiit si retired Maj. Gen. Jovito “The Butcher” Palparan dahil ibinasura na ng Malolos City Regional Trial Court Branch 15 ang pakiusap niya na makapagpyansa.
Sa ruling na inilbas ng korte, malakas ang mga ebidensyang nagpapatunay na mayroon talaga itong pananagutan sa biglaang pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines na sina Sheryl Cadapan at Karen Empeño noong 2006.
Nakasaad sa order ni Judge Alexander Tamayo, kinakitaan din ng korte ng pagiging “credible” ang testimonya ng isang testigo na lalong nagpatibay sa posibleng kinalaman ni Palparan sa nasabing krimen, kaya hindi pinagbigyan ang kaniyang petisyon.
Ang nagbigay ng testimonya ay mismong isang sinasabing biktima rin ng “enforced disappearance” sa mga kamay ni Palparan.
Bilang hepe rin ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, malaki ang posibilidad na talagang may kinalaman si Palparan sa nangyari, o kung hindi man direkta ay may alam siya tungkol sa ginawa sa mga estudyanteng bigla na lamang naglaho halos sampung taon na ang nakalilipas.
Itinanggi ni Palparan ang mga akusasyon sa kaniya at sinabing ni hindi pa niya nakakasalamuha ang testigong humarap bago pa man sila nagkita sa kasagsagan ng imbestigasyon.
Mariin rin niyang itinanggi ang umano’y pagiging konektado niya sa mga sinasabing kasabwat niya na sina Lt. Col. Felipe Anotado, S/Sgt. Edgardo Osorio at M/Sgt. Rizal Hilario.
Dahil hindi napayagang makapag-pyansa, mananatiling nakakulong si Palparan sa Philippine Army Custodial Center sa Taguig City si Palparan habang siya ay nililitis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.