2 pang akusado sa pagdukot at pagpatay kay Bien Unido, Bohol Mayor Gisela Boniel naaresto sa Lapu-Lapu City
Matapos ang dalawang taong pagtatago, naaresto na ang dalawang akusado sa pagdukot at pagpatay kay Bien Unido, Bohol Mayor Gisela Boniel Huwebes ng umaga sa Lapu-Lapu City.
Kinilala ang mga nadakip na sina Allan delos Reyes Jr. at Lobo Boniel, na naaresto ng mga tauhan ng Bohol Provincial Police Office (BPPO) at Criminal Investigation and Detection Group 7 sa Barangay Basak sa nasabing lungsod.
Nabatid na sina Reyes at Boniel ay nasa pang-lima at pang-apat na most wanted person sa Central Visayas.
Nakumpiska sa dalawang suspek ang isang kalibre 45, mga bala at isang police uniform na pag-aari ng isang Patrolman Nico Ababon.
Ayon pa sa ulat, pag-aari ni Ababon ang bahay na tinutuluyan ng dalawa dahil ang live-in partner ni Lobo ay kapatid naman ng live-in partner ng pulis.
Si Lobo ay kamag-anak ng itinuturong utak sa kidnap-slay at mister ng alkalde na si dating Bohol Provincial Board member Niño Rey Boniel.
Taong 2017 nang sampahan ng kasong parricide si Nino Rey dahil sa pagpatay sa misis niya na alkalde ng kanilang bayan.
Tinukoy naman ang mga kasabwat sa krimen na sina delos Reyes, Lobo, Wilfredo Hoylar Jr., Randel Lupas, Restituto Magoncia Jr. at Riolito “Etad” Boniel.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang mga bangkay ni Mayor Boniel na pinaniniwalaang itinapon sa dagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.