Bagyong Marilyn napanatili ang lakas; Habagat hinahatak at magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa
Napanatili ng Tropical Depression Marilyn ang lakas nito habang nasa Silangang bahagi ng bansa.
Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,060 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.
Napanatili ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro bawat oras sa direksyong Hilagang-Kanluran.
Sa loob ng 24 oras inaasahang lalakas pa at magiging Tropical Storm ang bagyo.
Ngayong araw may mga tyansa ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa Pangasinan, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino at Aurora.
Asahan din ang katamtaman hanggang may kalakasang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Palawan, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Sulu Archipelago dahil sa hinihinalang Habagat ng bagyo.
Pinag-iingat ang mga residente sa nasabing mga lugar sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa nalalabing bahagi bansa kabilang na ang Metro Manila ay makararanas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Northern Samar, Eastern Samar, Southern Leyte, southern coast ng Bohol, Siquijor, southern coast ng Negros Oriental, Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Camiguin, Agusan del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte kasama ang Siargao, Surigao del Sur, Davao Oriental at Davao Occidental.
Linggo ng umaga inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo kung hindi magbabago ang pagkilos nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.