De Lima pumalag sa pagdawit sa kanya sa maanomalyang GCTA

File photo

Sinopla ni Sen. Leila De Lima ang kanyang mga kapwa senador sa umano’y paglipat sa kanya ng focus sa imbestigasyon hinggil sa pag-abuso sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Ito ay matapos sabihin ni Sen. Richard Gordon na posibleng inabuso ni De Lima ang sistema ng GCTA para kumita ng pera.

Kasama si De Lima sa mga bumalangkas ng implementing rules and regulations para sa GCTA.

Sa kanyang pahayag araw ng Miyerkules, sinabi ng senadora na sinubukang ilihis ni Gordon ang imbestigasyon imbes na talakayin ang mga paglabag nina dating Bureau of Corrections (BuCor) chiefs Nicanor Faeldon at Sen. Ronald dela Rosa sa GCTA law.

Iginiit pa ni De Lima na ang IRR para sa RA 10592 ay repleksyon mismo ng nilalaman ng batas at ang mga problema sa pagpapatupad ng GCTA ay bunga ng batas at hindi ng IRR.

“The IRR reflected the letters of the law. Any problem they have as a result of the implementation of R.A. No. 10592 lies with the law, not the IRR,” ani De Lima.

Binatikos din ni De Lima si Sen. Panfilo Lacson dahil sa umano’y ‘leading questions’ nito sa mga tumestigong sina dating BuCor OIC Rafael Ragos at National Bureau of Investigation intelligence agent Jovencio Ablen Jr.

Sina Ragos at Ablen ay tumestigo na rin noon sa drug cases laban kay De Lima.

Sinopla rin ni De Lima si Sen. Francis Tolentino dahil sa umano’y tangkang paghikayat kay Ragos na kumpirmahin ang mga gawa-gawang istorya na dati na niyang napabulaanan.

Sa huli, sinabi ng senadora na tila wala nang delicadeza o kahit ‘basic human decency’ sa Senado.

 

Read more...