Ninoy Aquino monument sa QC, ililipat; pero Noy at Kris magkaiba sa gustong bagong lugar
Pumayag na ang pamilya Aquino na ilipat sa ibang lugar sa Quezon City ang monumento ni dating Senador Ninoy Aquino matapos itong masira sa clearing operations.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kailangang ilipat ang istatwa matapos itong masira sa gitna ng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“The Aquino family has given its consent to transfer the statue to a better and more ideal location that is perfect for his stature as national hero,” pahayag ng alkalde.
Ang pundasyon ng monumento ay nasira ng mga manggagawa ng DPWH na nagsagawa ng road-clearing operations sa kanto ng Timog at Quezon Avenues kung saan ito nakalagay.
Pero magkaiba ng lugar na gustong paglipatan ang mga anak ni Aquino na si dating Pangulong Noynoy Aquino at actress-host na si Kris.
Ayon kay Belmonte, nais ni dating Pangulong Noynoy na ilipat ang monumento ng ama sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife.
Pero gusto naman anya ni Kris na sa Manila Seedling Bank ang bagong lokasyon ng istatwa.
Sumulat na si Belmonte kay Environment Sec. Roy Cimatu para payagan na ilipat ang istatwa sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife.
Pero kapag hindi anya pumayag si Cimatu ay sa gustong lugar ni Kris ililipat ang monumento.
Araw ng Biyernes ay tatanggalin ng Department of Public Order and Safety ng lungsod ang istatwa para itago sa pansamantalang storage facility saka ito ililipat kapag nadesisyunan na ang bago nitong lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.