Arestado na ang babaeng suspek sa pagdukot sa bagong panganak na sanggol sa Cebu noong Lunes.
Martes ng gabi nang matagpuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek na nakilalang si Melissa Londres, isang call center agent, sa isang paupahang bahay sa sitio Fatima sa Barangay Lahug, Cebu City.
Doon na rin natagpuan ang sanggol na dinukot nito na tila inangkin na ng suspek, dahil itinanggi niya pa ang nasabing pag-kidnap.
Giit ng suspek, siya mismo ang nag-luwal sa sanggol sa isang taxi noong Lunes.
Mismong ang ama naman ng bata na si Jonathan Celadenia ang kumumpirma na iyon talaga ang kaniyang anak.
Bagaman handa naman umano siyang patawarin si Londres, maghahain pa rin siya ng mga kaukulang kaso laban sa suspek, pati na sa kasintahan nitong si Philip Wilfred Almeria.
Matatandaang noong Lunes, dinukot ni Londres ang bata sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang isang nurse.
Nakita pa sa CCTV footage ng ospital kung paano niya nailabas ang bata nang hindi man lamang napapansin ng guwardya.
Ayon sa mga magulang ng bata, kinuha ni Londres ang sanggol para umano pabakunahan ng anti-dengue, at tumungo pa ito sa desk para kunwaring may kunin na mga dokumento.
Hinihinalang siya rin ang namataan sa CCTV footage ng kalapit na maternity hospital ilang oras bago ang insidente, kung saan nagtangka rin siyang pumasok ngunit pinalabas din ng ibang nurse.