Mga opisyal ng BuCor, ipinasasailalim sa lifestyle check
Iginiit ni House Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay Zarate, malinaw na ginawang kumikitang kabuhayan ng mga opisyal ng Bureau of Corrections ang Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Kasunod ito nang pagkakasama sa GCTA program ni pork barrel scam queen Janet Lim Napoles noong si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang BuCor director.
Palaisipan din sa kongresista kung bakit rape ang krimeng nakalagay kay Napoles na convicted sa kasong plunder.
Dapat aniyang malaman kung sino ang pumirma sa release papers nito at kung bakit hindi siya napalaya.
Kaugnay nito’y naalarma rin si ACT CIS partylist Rep. Eric Yap sa pagsasama kay Napoles sa listahan ng posibleng makalaya dahil sa GCTA.
Iginiit ng mambabatas na dapat pang laliman ang imbestigasyon sa ‘GCTA for sale’ at panagutin ang mga nasa likod nito.
Balak maghain ni Yap ng panukala para amyendahan ang Republic Act 10592 para bigyan ng depinisyon ang “good conduct” at magtakda ng mga kondisyon sa paggagawad ng GCTA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.