Tropical depression ‘Marilyn,’ napanatili ang lakas
Napanatili ng Tropical Depression ‘Marilyn’ ang taglay nitong lakas.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,260kilometers sa Silangan Hilagang Silangan ng Casiguran, Aurora o 1,285 kilometers Silangan ng Aparri, Cagayan.
Napanatili ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Tinatahak nito ang Kanluran Hilagang Kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
Kahit nasa gitna ng karagatan, malawak aniya ang sakop ng bagyo dahilan kung bakit umaabot ang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Asahan pa rin na patuloy na makararanas ng pag-ulan sa Metro Manila at iba pang lugar sa buong bansa.
Ibinabala rin nito na maging maingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa minsang malakas na buhos ng ulan.
Sinabi ni Rojas na mababa ang tsansa na tumama sa kalupaan ng bansa ang bagyo.
Kung hindi magbabago ang kilos ng bagyo, posible itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Linggo ng hapon, September 15.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.