Binabantayang tropical depression papasok na ng bansa mamayang hapon o gabi

By Rhommel Balasbas September 12, 2019 - 05:10 AM

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang isang tropical depression na inaasahang papasok ng bansa ngayong araw.

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,645 kilometro Silangan ng Central Luzon.

Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.

Kung hindi magbabago ang kilos ng bagyo, papasok na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang hapon o gabi at papangalanang “Marilyn”.

Hindi inaasahang tatama sa kalupaan ang bagyo ngunit pinayuhan ang publiko na magmonitor sa lagay ng bagyo dahil posible pang magbago ang forecast track nito.

Samantala, dahil sa trough o extension ng bagyo makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, Visayas, Zamboanga Peninsula, Aurora, Quirino, Isabela, at Cagayan.

Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng maalinsangang panahon na may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng localized thundestorms.

TAGS: #MarilynPH, Bagyong Marilyn, PAGASA 4am weather update, Tropical Depression, #MarilynPH, Bagyong Marilyn, PAGASA 4am weather update, Tropical Depression

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.