7 timbog sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Makati

Pito katao ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. Tejeros, Makati City, Miyerkules ng gabi.

Unang naaresto ang magkasintahang 19 anyos at 18 anyos matapos magbenta ng P300 halaga ng shabu sa police poseur buyer.

Matapos ang bentahan, kinapkapan ang mga suspek at nakuhaan pa ng 11 plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Makati City Police chief Rogelio Simon, isa sa naaresto ay ang target na si alyas ‘Jerrick’ na dati umanong asset ng pulis.

Ginagamit umano ng suspek ang kanyang mga koneksyon para protektahan ang sarili sa paggamit at pagbebenta ng droga.

Samantala, sa isang bahay naman naaresto ang limang drug suspek target ang isang mag-live-in partner na naabutan pang natatarya ng shabu sa harap ng isang taong gulang na anak.

Giit ng mga suspek, gumagamit lamang sila ng shabu at hindi nagbebenta.

Timbog din ang tatlong lalaking kasamahan ng mag-live-in partner na naaktuhang gumagamit ng droga.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 bukod pa sa kasong child abuse laban sa mag-live in partner na nagtatarya ng shabu sa harap ng kanilang anak.

 

Read more...