Kapatid ng Abu Sayyaf Group sub-leader patay sa bakbakan sa Sulu
Napatay ang kapatid ni Abu Sayyaf commander Hatib Hajan Sawadjaan sa bakbakan ng mga bandido at 41st Infantry Batallion sa Patikul, Sulu.
Sa ulat ng Western Mindanao Command (Wesmincom) araw ng Miyerkules, kinilala ang nasawing bandido na si Nanz Sawadjaan.
Naganap ang sagupaan ng militar at ng mga miyembro ng ASG noong Martes sa Sitio Tubig Pansol, Barangay Langhub.
Ayon pa sa ulat ng Wesmincom, dalawang sundalo ang nasugatan at dinala ang mga ito sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo.
Tumagal ng 20 minuto ang bakbakan at kasalukuyan nang pinaghahanap ang nakatakas na ASG members na pinamumunuan nina Almujer Yadah, Ben Tattoh, at Apo Mike.
“Our troops remain persistent in tracking down and neutralizing the remaining terrorists in Sulu,” ani Lt. Gen. Cirilito Sobejana.
Magugunitang sinabi ng US Defense Department na ang nakatatandang Sawadjaan ang pinaniniwalaang bagong lider ng Islamic State sa Pilipinas.
Siya rin ang hinihinalang nasa likod ng pagbomba sa Jolo Cathedral noong Enero na ikinasawi ng 23 katao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.