VIRAL: Grab driver binugbog ng magkapatid na pasahero
Pinagtulungang bugbugin ng apat katao ang isang Grab driver makaraan itong tumanggi na isakay ang lima katao sa kanyang sasakyan.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Masambong Police Station 2 P/Chief M/Sgt. Niño Castillo, nahuli na ang dalawa sa mga suspek na nakilalang sina Jan Jervie Mercado at Rhea Sangil.
Sinampahan ang dalawa ng mga kasong physical injury at malicious mischief.
Sa viral video ng Grab driver na si Reynaldo Tugade, mahinahon nitong ipinaliliwanag sa mga suspek na apat lamang ang kanyang pwedeng isakay alinsunod sa polisiya ng Grab ukol sa 4-passenger limit.
Gayunman, hindi ito pinakikinggan ng mga suspek at iginiit na bata lang naman ang isasakay.
Nagpupuyos sa galit ang mga pasahero na humantong sa kanilang pisikal na pananakit at paninira sa sasakyan.
Sa isang statement, sinabi ng Grab na batay na rin sa safety standards ng car manufacturers, lima lamang ang maximum capacity para sa mga kotse kabilang na rito ang driver.
Dahil dito, apat na pasahero lang ang pwedeng isakay ng kanilang Grab Cars service at kabilang ang mga bata sa bilang anuman ang edad.
“Following the safety standards of car manufacturers having a maximum capacity of 5 passengers for car including the driver, Grab Cars can only accommodate up to 4 passengers”, ayon sa Grab.
“Children, regardless of age, shall be counted as one passenger”, dagdag ng kumpanya.
Iginiit pa ng Grab na ‘covered’ lamang ng insurance ang maximum number ng pasaherong pwedeng isakay sa kotse.
Samantala, nagbigay na ng tulong ang Grab sa kanilang nasaktang drayber kabilang ang medical at legal assistance.
Hinikayat din ang publiko na iulat sa kanila ang mga kahalintulad na insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.