Ito ay matapos na pumasa sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang Package 2 ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) o ang Corporate Income Tax and Incentive Rationalization Act (CITIRA), na naglalayong amiyendahan ang ilang bahagi ng Republic Act 8424 o ang National Internal Revenue Code of 1997.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, nagpasalamat siya sa liderato ng Kamara dahil hindi ito nagpadaig sa matinding lobbying ng mga malalaking negosyante kontra CITIRA para mapanatili lamang ang kanilang malaking kita at dividends.
Iginiit ng kongresista na makakatulong sa paglago ng gross domestic product (GDP) ng hanggang 3.6 percent kada taon habang tanging 0.9 percent lamang ang maiaambag nito sa pagbilis ng inflation rate.
Sinabi ni Salceda na sa Cabinet meeting ni Pangulong Duterte kamakailan, tinukoy nito na ang CITIRA ang “principal national response” ng Pilipinas sa nangyayaring trade war sa pagitan ng US at China.
Sa ilalim ng panukalang ito, ang mga investments sa Metro Manila ay magkakaroon ng Income Tax Holiday (ITH) sa loob ng tatlong taon at karagdagang dalawang taong incentives.
Ang mga nasa lugar na malapit sa Metro Manila naman ay magkakaroon ng apat na taon na tax break at tatlong taon pang exemption.
Samantala, ang mga investors naman na papasok sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila ay tatanggap ng anim na taong ITH at apat na taon pang karagdagang tax perks.