Partikular dito ang pondo ng National Food Authority (NFA) para sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka na tataasan mula P7 billion patungong P9 billion.
Paliwanag ni Cayetano, kulang na kulang ang P7 bilyon para solusyunan ang krisis sa presyo ng palay na isinisisi sa implementasyon ng Rice Tariffication Law.
Dapat aniyang pakinabangan ng mga magsasaka ang nakolektang taripa ng Department of Finance mula sa rice imports na umaabot sa P9 na bilyon.
Idinagdag pa ng speaker na ikinokonsidera rin nila ang paglalaan ng tig P500 million para sa pagsasaayos ng mga kampo ng PNP at AFP.
Samantala, sinabi naman ni House Appropriations Committee Chairman Isidro Ungab na hindi napagbigyan ang hirit ng nasa animnapung kongresista na maibalik sa pambansang pondo ang 95 billion pesos na para sana sa district projects ngunit na-veto ni Pangulong Duterte.
Giit ni Ungab, imposible ang gustong mangyari ng mga mambabatas dahil kapag ipinilit ang P95 billion ay matatapyasan ang pondo ng ilang ahensya ng pamahalaan at maaapektuhan ang kanilang operasyon.