Bagyong Marilyn papasok ng bansa ngayong araw

Papasok na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang tropical depression na nasa silangan ng bansa anumang oras ngayong araw.

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, ang bagyo ay huling namataan sa layong 1,180 kilometro Silangan ng Visayas at papangalanan itong ‘Marilyn’ pagpasok ng PAR

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras.

Ang Eastern Visayas, Bicol Region, lalawigan ng Quezon at Aurora ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat bunsod naman ng trough o extension ng tropical depression.

Dahil naman sa southwest monsoon o Habagat, mararanasan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Zambales at Bataan.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa kabilang na ang Metro Manila, mararanasan ang bahagya hanggang sa maulap na kalangitan na may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Walang nakataas na gale warning kaya’t ligtas na makapapalaot ang mga mangingisda sa mga baybaying dagat ng bansa.

Read more...