4,000 pulis at sundalo magbabantay sa pista ng Poong Nazareno

Inquirer File Photo / Rem Zamora
Inquirer File Photo / Rem Zamora

Aabot sa tatlong libong tauhan ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang itatalaga para tiyakin ang peace and order at kaligtasan ng mga deboto sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa Sabado, Enero 9.

Nagsagawa na ng inspeksyon si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Director Joel Pagdilao, kasama mga opisyal ng Manila Police District, sa lugar na pagdarausan ng ‘Pahalik’ at sa rutang daraanan ng prusisyon na tinatawag na ‘Traslacion’.

Unang pinuntahan ni Pagdilao ang Quirino Grandstand kung saan gagawin ang tradisyon ‘Pahalik’ sa imahe ng Black Nazarene na magsisimula ala 1:00 ng hapon sa January 8.

Matapos ito ay nagtungo si Pagdilao at ang mga opisyal ng MPD sa rutang daraanan ng prusisyon mula Quirino Grandstand patungong P. Burgos, Jones Bridge, Palanca Street, Muslim Town, Arlegui Street, Nepomuceno Street, Bilibid Viejo Street, De Guzman Street, Hidalgo Street, at pabalik sa Quiapo Church.

Bago mag-Sabado, sinabi ni Pagdilao na lahat ng obstructions sa ruta ng prusisyon ay aalisin kabilang ang mga nakaparadang sasakyan.

Aayusin din ang mga nakalaylay na kawad ng kuryente para maiwasang sumabit ang imahe sa kasagsagan ng prusisyon.

Ang seven-kilometer route ay hahatiin sa 10 segments at bawat segment ay lalagyan ng help desk na may mga nakabantay na mula sa PNP, SWAT, EOD, K9, Bureau of Fire Protection, at Emergency Response Team.

Sinimulan na rin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagbabaklas sa 200 stalls sa Carlos Palanca Street sa Quiapo Maynila.

Ayon kay Chief Inspector John Guiagui, hepe ng Plaza Miranda Police Community Precinct, aalisin muna ang mga tindahan sa bangketa ng Carlos Palanca dahil madaraanan ito ng prusisyon.

Ang mga vendors na may stalls sa Carlos Palanca ay mula sa Quinta Market na ngayon ay sumasailalim sa renovation.

Read more...