Duterte hindi luluhod sa mga mambabatas para sa emergency powers
Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na lumuhod at magmakaawa sa mga mambababatas para lamang mabigyan ng emergency powers para malutas ang problema ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, batid ng mga mambabatas kung ano ang mga pangangailangan ng pangulo para maresolba ang problema sa trapik.
Ayon kay Panelo, wala namang magagawa ang pangulo kung ayaw ng mga mambababatas na bigyan siya ng emergency powers.
Nanindigan si Panelo na ang emergency powers ang magpapadali sana sa pagresolba ng trapiko.
Halimbawa na lamang aniya ay hindi na makapag-isyu ang mga korte ng temporary restraining order kapag inutos ng pangulo na ipagamit ang mga pribadong kalsada gaya ng mga sa subdivision bilang alternatibong ruta sa mga motorista.
Hindi naman aniya nawawalan ng pag-asa ang pangulo na mapagkakalooban pa rin siya ng emergency powers bago matapos ang kanyang termino sa 2022.
Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa lumalalang problema ng trapiko sa metro manila, nagpahayag ng pangamba ang ilang mambabatas na maaring makurakot o maabuso lamang ang emergency powers na ipagkakaloob sa pangulo.
Habang wala pang emergency powers, nanawagan ang Palasyo sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno na gumawa ng kaukulang hakbang para masolusyunan ang trapik sa Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.