Duterte isesertipikang urgent ang SOGIE bill
Gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte na “certified urgent” ang panukalang Sexual Orientation and Gender Identity or Expression (SOGIE) bill.
Sa kanyang talumpati sa Malakanyang, nangako ang pangulo na gagawin niya ang anumang paraan na maaaring magpabilis sa naturang panukala na layong protektahan ang karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community.
Sa ilalim ng panukalang batas, ipinagbabawal ang diskriminasyon ng mga tomboy, bakla, bisexual at transgender sa trabaho at sektor ng edukasyon.
Pabiro pang ginamit ng pangulo ang tagline ni dating Senador Juan Ponce Enrile bilang patunay na gagawin niya ang magpapasaya sa LGBTQ+ community.
“Yes whatever would make the mechanisms, what would make them happy. Gusto ko, kagaya kay Senator Enrile, gusto ko happy siya,” pahayag ng pangulo.
Ang SOGIE bill ay inihain ng kritiko ng pangulo sa Senado na si Senator Risa Hontiveros.
Parehong nakabinbin ang dalawang bersyon ng bill sa committee levels ng Senado at Kamara.
Kapag sinertipikang urgent, maaaring aprubahan ng Kongreso ang SOGIE bill sa ikalawa at ikatlong pagdinig sa parehong araw sa kani-kanilang plenaryo.
Naging maingay ang isyu kamakailan dahil sa nangyari sa transgender na si Gretchen Diez na umanoy pinagbawalan ng janitress na gumamit ng banyo na pambabae sa isang mall sa Quezon City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.