Proteksyon ng mga hog raisers isinusulong sa Kamara kasunod ng ASF
Isusulong ni Magsasaka Party-list Representative Argel Cabatbat ang pagbibigay ng proteksyon sa hog raisers at consumers matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture na tinamaan ng African Swine Fever ang mga namatay na alagang baboy sa ilang bahagi ng bansa.
Sa isang statement, sinabi ni Cabatbat na nakakalungkot na mula sa dalawampung blood samples ng mga namatay na baboy sa Rizal, labing-apat ang nagpositibo sa ASF.
Bagama’t wala pang kumpirmadong ulat na may direktang banta ito sa mga tao, pinag-iingat ng kongresista ang publiko at pinayuhang bumili lamang ng karne ng baboy na sertipikado ng National Meat Inspection Service.
Suportado rin nito ang paglalaan ng karagdagang pondo sa Department of Agriculture para mabilis na matugunan ang problema at mapigilan ang krisis.
Tiwala naman si Cabatbat na hindi sasamantalahin ng mga negosyante ang sitwasyon at pananatilihin lamang ang presyo ng baboy sa merkado base sa suggested retail price.
Una nang isinailalim ng DA sa quarantine ang tatlong barangay sa Rizal dahil sa biglaang pagkakasakit ng isandaang baboy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.