2 patay sa engkwentro sa Bulacan

Patay ang dalawang lalaki at arestado ang isa pa sa buy-bust operation na nauwi sa engkwentro sa Sta. Maria, Bulacan.

Ayon kay Northern Police District (NPD) – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Lt. Col. Charlie Cabradilla, nakapagpadala na sila ng paunang bayad sa mga suspek sa pamamagitan ng money transfer kapalit ng mga bibilhin sanang baril.

Napagkasunduang magkita sa bahagi ng Valenzuela ngunit biglang inilipat ng mga suspek ang meeting place sa NLEX-Marilao, inilipat muli sa Bocaue Exit hanggang sa umabot sa Sta. Maria, Bulacan.

Nang makarating sa Sta. Maria, nakahalata ang mga suspek na mga pulis ang sumusunod sa kanila.

Dalawang sasakyan ang dala ng mga suspek kung saan naharang sa isang gasolinahan ang unang sasakyan sakay ang dalawang suspek.

Dito na nagpaputok ang dalawang lalaki kaya’t napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.

Ang isang suspek naman na sakay pa ng isang sasakyan ay naaresto ng pulisya.

Ayon sa mga pulis, mga miyembro ng isang grupo ng gunrunners at drug pushers ang tatlo na may operasyon sa Bulacan at CAMANAVA area.

 

Read more...