Gilas pabalik na ng bansa matapos ang FIBA World Cup

FIBA photo

Nakatakda nang bumalik sa bansa ang Gilas Pilipinas ngayong Martes ng umaga matapos ang hindi magandang performance sa 2019 FIBA World Cup.

Ayon kay Gilas coach Yeng Guiao, matapos ang kampanya ng koponan sa FIBA World Cup na wala man lang ni isang panalo, maraming bagay ang anyay dapat suriin.

Sa bawat laro ng national basketball team ay nilalampaso sila ng kalaban.

Dahil dito ay nagtapos na kulelat o nasa huling pwesto ang Gilas sa naturang tournament.

Aminado si Guiao na dismayado sila dahil mataas ang kanilang pag-asa sa pagsabak sa palaro na ginawa sa China.

Pero may mga leksyon anya na dapat matutunan sa naging karanasan ng Gilas.

Inako ni Guiao ang responsibilidad sa hindi magandang performance ng team kaya hindi anya dapat batikusin ang mga players.

Pagdating sa bansa ay ibibigay ni Guiao ang kanyang mga rekomendasyon sa kinauukulan para sa ikabubuti ng koponan sa mga susunod na international events.

 

Read more...