Kabilang ang “Maestro” ng musikang Pilipino na si Ryan Cayabyab sa mga naparangalan ng Ramon Magsaysay Award.
Kinilala ang galing ni Cayabyab sa industriya ng musika sa bansa partikular ang pagsusulong nito sa orihinal na musikang Pilipino.
Si Cayabyab ay sikat din sa pagdiskubre sa mga talento ng mga Pilipino sa musika gayundin ang pag-mentor sa mga kabataang mahilig sa pagkanta.
Sa kanyang acceptance speech ay sinabi ni Cayabyab na “calling” niya ang musika.
Noong nagsisimula pa lamang na guro sa UP College of Music sa Diliman, alam na umano ng sikat na composer na ang paggawa at pagtuturo ng musika ang gusto nitong gawin sa kanyang buong buhay.
Si Vice President Leni Robredo, kasama si Ramon Magsaysay Award Board of Trustees Chairman Jose Cuisia Jr., ang nagbigay ng parangal sa batikang composer.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, ang musika ni Cayabyab ay nagbibigay ng pag-asa, karangalan at pagkakaisa sa bansa.
Isa ang award-winning song na “Kay Ganda ng Ating Musika” sa mga ginawa ni Cayabyab.