Panukalang P4.1T 2020 national budget aprubado na ng house panel
Lusot na sa House Committee on Appropriations ang P4.1 trillion 2020 General Appropriations Bill.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chair Isidro Ungab, inaprubahan nila ang House Bill 4228 matapos ang ginawang executive session.
Isasagawa anya ang pagtataas ng pondo sa mga ahensya na may maliit na budget sa institutional amendments sa plenaryo ng Kamara o kaya naman ay sa bicameral conference committee.
Sinabi nito na gagawin nila ang kanilang magagawa upang mabilis na maaprubahan ang panukalang pondo.
Ayon naman kay Senior Vice Chair Joey Salceda, walang binago ang komite sa isinumiteng National Expenditure Program ng Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ni Salceda na wala silang pinalitan ni isa sa isinumiteng NEP.
Nangunguna ang edukasyon at imprastraktura sa may pinakamalaking paglalaan ng panukalang 2020 National budget.
Sa nasabing halaga, P673 billion ang mapupunta sa Department of Education (DepEd) kabilang ang para sa mga State Colleges and Universities (SCUs), Commission on Higher Education (CHED) at Tesda.
Nasa P534.3 billion ang para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ikatlo ang Department of Interior and Local Government (DILG) na may P238 billion, ikaapat ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may P195 billion, ikalima ang Department of National defense (DND) na may P189 billion.
Ika-anim sa may pinamalaking paglalaanan ng pondo sa susunod na taon ang Department of Health (DOH) na P166.5 billion na sinundan ng Department of Transportation (DOTr) na P147 billion, pang walo ang Department of Agriculture (DA) na may P56.8 billion, ika-siyam ang Department of Justice (DOJ) na may P38 billion at pang sampu ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may P26.4 billion.
Ang 2020 national budget ay mas mataas sa kasalukuyang budget ng bansa na P3.662 trillion.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.