Panukalang amyenda sa Foreign Investment Act aprubado na sa kamara
Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng kamara ang panukala para amyendahan ang RA 7042 o ang “Foreign Investment Act (FIA) of 1991.”
Sa botong 201 na Yes, 6 na No at 7 Abstain, lumusot ang House Bill 300 na naglalayong luluwagan ang restrictions sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas.
Sa oras na maging ganap na batas ay ibababa sa 15 mula sa 50 ang minimum employment requirement ng direct local hires sa mga small at medium domestic enterprises na itinatag ng mga foreign investors.
Maaari na ring makapagbukas ng negosyo at mamuhunan ang mga dayuhan sa halagang $100,000.
Tinitiyak ng pangunahing may-akda ng panukala na si House Ways and Means Chair Joey Salceda na hindi maaapektuhan ang local industry dahil maglalatag ng mga kategorya na kung saan may mga industriya na hindi naman papayagan na dayuhan ang magtrabaho at manungkulan.
Sa ilalim nito papayagan na rin na magpractice ng kanilang propesyon ang mga dayuhan.
Magsasagawa ng taunang review at update ng Foreign Investment Negative List (FINL) para mas makahikayat ng mga foreign investors na mamuhunan sa iba’t ibang industriya sa bansa.
Ayon kay Salceda, makakatulong ang pag-alis ng limitasyon sa mga dayuhang mamumuhunan para sa mas maraming oportunidad, dagdag na trabaho, pagdagsa ng investment at pagdami ng competition ng mga industriya na tiyak na magbebenepisyo ang publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.