Isinusulong ni 1Pacman Rep. Michael Romero ang pagbibigay ng tax incentives sa mga doktor na nagbibigay ng libreng medical services sa mga mahihirap na pasyente.
Sa House Bill 984 na inihain ni Romero, nais niya na bawasan ng buwis ang mga medical doctors na ginagamit ang kanilang propesyon para makatulong sa mahihirap kaya dapat lang silang bigyan ng reward.
Hinikayat din ni Romero, Presidente ng Partylist Coalition Foundation INc.(PCFI) ang liderato ng Kamara na isama ang HB 984 sa listahan ng priority bills.
Sa ilalim ng panukala ,ang mga doktor na magbibigay ng libreng professional services sa mga mahihirap na pasyente ay dapat entitled na bawasan mula sa computation ng taxable income na may katumbas na 10% ng kabuuang bayad sa serbisyong kanilang binigay.
Nilinaw naman ng kongresista na hindi ito dapat lalampas sa 10 porsiyento ng taxable income ng isang doktor.
Inaatasan ng panukala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Department of Health (DOH) para gumawa ng rules and regulations sa sandaling ganap na itong maging batas.
Paliwanag pa ni Romero maraming doktor na may malasakit pa rin sa mga mahihirap na filipino kaya adbokasiya na nila ang tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong medical lalo na sa mga liblib na lugar na mahirap puntahan .