P100-K, patong sa ulo ng namaril na tanod sa Taguig

raymundo lizaP100,000 ang patong sa ulo sa barangay tanod na suspek sa pamamaril sa Taguig City na ikinamatay ng isang batang lalaki at ng kaibigan ng ama nito noong Bagong Taon.

Mismong si Makati Mayor Romulo “Kid” Peña ang nag-alok ng nasabing pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Raymundo Liza na walang habas na namaril sa mga taong nagtitipon-tipon lamang bilang pagsalubong sa Bagong Taon at pagdiriwang ng isa sa mga naroon.

Patay ang 7 taong gulang na si Mark Anthony Diego na tinamaan sa ulo at ang kaibigan ng kaniyang ama na si John Edward Pascual dahil sa pamamaril na naganap dakong alas-12:20 ng madaling araw sa Bulusan Street, Barangay Southside sa Makati City.

Ayon kay Peña, ito ay para mabilis na maihatid ang hustisya para sa pamilya ng mga biktima, kahit pa isinalin na ang kustodiya ng kaso sa Taguig City sa ngalan ng hurisdiksyon.

Bukod sa pag-alok ng pabuya, sisiyasatin rin ng lokal na pamahalaan ng Makati ang katayuan ng pagiging miyembro ni Liza ng Bantay Bayan.

Batay kasi sa mga talaan ng Brgy. Southside, nasuspinde umano si Liza simula Dec. 7 dahil sa pagkakasangkot sa isa pang insidente ng pamamaril.

Kilala umano si Liza na laging naglilibot nang may dalang baril na hiram lang sa kaniyang pinsan, at nagiging agresibo tuwing nalalasing.

Pumayag naman ang mga kaanak ng suspek na makipagtulungan sa mga pulis sa ikadarakip nito.

Read more...