Hinihinalang suicide bomber patay sa pagsabog sa Sulu

Patay ang isang babaeng hinihinalang suicide bomber matapos nitong pasabugin ang isang bomba sa military detachment sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu Linggo ng hapon.

Ayon kay Joint Task Force Sulu spokesperson Lt. Col. Gerard Monfort, ikinasa ng babae ang planong suicide bombing alas-5:48 ng hapon.

Hinihinalang buntis ang babae at suot nito ang itim na abaya nang magtangkang pumasok sa trangkahan ng KM3 detachment ng 35th Infantry Batallion.

Ngunit napansin agad ng gwardiya ang kahina-hinalang kilos ng babae at nagsisigaw ito na huwag papasok dahilan para maalerto ang mga sundalo sa lugar.

Ilang segundo lamang ang lumipas ay pinasabog na ng babae ang kanyang sarili.

Wala namang nasaktan sa mga sundalo.

Ayon sa mensahe ni Western Mindanao Command chief Lieutenant General Cirilito Sobejana sa mga mamamahayag, posibleng banyaga ang suspek base sa ulo nito.

Gayunman, hindi pa anya makumpirma kung talagang babae nga ito dahil ang kamay naman na nakuha ay tila mula sa lalaki.

“The suicide bomber was in abaya attire, a woman and foreign-looking with long hair based on the recovered mutilated head; however, the recovered dismembered hand is similar to that of a man,” ani Sobejana.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Tiniyak naman ni Sobejana na paiigtingin ang seguridad at pagpapanatili sa kapayapaan upang mapigilan ang mga panggugulo sa Bangsamoro Region.

Ang napurnadang suicide bombing sa Indanan ay isang araw lamang matapos pasabugan ang isang palengke sa Isulan, Sultan Kudarat noong Sabado na ikinasugat ng pito katao.

Read more...