Sa isang panayam sa radyo, isiniwalat ni Senator Panfilo Lacson na si Elvira Sanchez ang nagtip kay Thelma Chiong na lumaya na ang mga salarin sa pagpatay sa kaniyang mga anak.
Ayon kay Lacson, naiinip na ang pamilya ni Sanchez at iniisip na kung bakit ang dating alkalde na lamang ang naiwan sa kulungan.
Isiniwalat din ni Lacson na hindi nila inilabas ang impormasyong ito sa pagdinig sa senado ngunit nauna na itong sinabi sa kaniya ni Senate President Vicente Sotto III.
Ang dalawa sa tatlong convict sa Chiong sisters case na sina Ariel Balansag at Alberto Caño ay napalaya dahil sa maling pagbilang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sumuko na rin pabalik ng piitan ang dalawa matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabalikin ang daan-daang convicts na sangkot sa heinous crimes sa loob ng 15 araw.
Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inaasahan na susuko ang isa pang suspek sa rape-slay case na si Josman Aznar sa susunod na linggo.