P10B nakolektang buwis ng gobyerno sa rice importation – DA
Umabot na sa halos P10 bilyon ang nakolektang buwis ng Department of Agriculture (DA) sa mga imported na bigas simula nang maipatupad ang Rice Tariffication Law.
Sa pagtatanong ni Albay Rep. Edcel Lagman sa budget briefing sa Kamara, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na aabot na sa P9.2 bilyon ang nakokolektang taripa mula sa mga rice imports.
Ayon kay Dar na papalo ng hanggang P15 bilyon ang makokolektang taripa ng pamahalaan hanggang sa katapusan ng taon mula sa batas na ito.
Samantala, sa gitna ng pagbaba ng presyo ng kada kilo ng palay, sinabi ni Dar na ang mga lokal na magsasaka pa rin sa huli ang magbebenepisyo mula sa RTL.
Ipinapangako kasi ng batas ang P10 bilyong halaga ng Rice Enhancement Competitive Fund (RCEF) kada taon bilang ayuda sa mga magsasakang apektado ng “birth pains” ng RTL.
Sinabi ni Dar na noong Agosto lamang, nailabas ang special release order (SARO) para sa paunang P5 bilyong RCEF subalit hindi pa aniya ito available sa ngayon para sa mga apektadong magsasaka.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.